MANILA, Philippines – Patuloy na naghahanap ang Department of Transportation (DOTr) ng dagdag na subsidiya at iba pang ayuda para maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators bago ikonsidera ang fare hike.
Sinabi ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na kabilang sa kasalukuyang hakbang ang fuel discount at libreng toll sa expressways para sa ilang public transport operators.
Ayon kay Lopez, tumaas na mula P10 sa P12 ang fuel discount ngunit limitado pa ito sa jeepney at UV Express. Pinag-aaralan umano ng gobyerno kung maaari itong palawigin at isama ang iba pang transport modes.
“Pinipiga pa rin natin ang gobyerno. Kung anong pwede nating ibigay na inisyatibo, subsidiya,” ani Lopez.
Iginiit niya na dapat maging “last resort” ang pagtaas ng pamasahe dahil maaari itong makadagdag sa gastusin ng commuters at sa presyo ng mga produkto at serbisyo.
Nasa 6.1% ang headline inflation noong Agosto 2026, bahagyang bumaba mula 6.2% noong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Patuloy namang dinidinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga nakabinbing fare hike petition.
Inaasahang magsusumite ang LTFRB ng rekomendasyon sa DOTr pagsapit ng Oktubre matapos ikonsidera ang epekto ng wage increase, kakayahan ng commuters na magbayad, tulong ng gobyerno sa transport sector at posibleng epekto ng fare adjustment sa inflation. RNT