Home NATIONWIDE Gobyerno planong magtayo ng bagong housing units, cold storage facilities

Gobyerno planong magtayo ng bagong housing units, cold storage facilities

MANILA, Philippines – PLANO ng gobyerno na magtayo ng bagong housing units at cold storage facilities sa bansa.

Ito ang ibinahagi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos dumalo sa isang sectoral meeting na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Palasyo ng Malakanyang.

“Kanina po ay nakipag-meeting po tayo para po doon sa mga housing projects at doon sa napakaganda pong mga proyekto po ng Department of Agriculture (DA). So, marami pong pabahay na pinaplano po, at ‘yun pong mga food hubs sa mga cold storage ay nakalinya na rin po iyan,” ang sinabi ni Castro.

“So, iyan po ay, kumbaga, kailangan po na maayos pati budget po sa lahat para po magampanan ng bawat ahensiya iyong kanilang mga proyekto para sa taumbayan,” aniya pa rin.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye si Castro sa bagong housing at cold storage projects.

Sa kabilang dako, sa hiwalay na kalatas sa official Facebook page ng PCO, sinabi nito na ipinresenta ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kay Pangulong Marcos ang plano ng departamento para sa cold storage expansion project.

“The proposed establishment of food hubs in strategic locations nationwide was also discussed during the sectoral meeting,” ang sinabi ng PCO.

Naglaan naman ang DA ng P3 billion para sa 99 cold storage facilities para palawigin ang shelf life ng mga prutas, gulay at high-value crops, habang tinitiyak ang katatagan ng presyo at seguridad ng pagkain.

Hangad din nito ang pagtatatag ng food hubs para mapadali ang tuluy-tuloy na pag-access ng mga ‘suppliers at buyers.’ Kris Jose