MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Health na mayroong pagsirit ng kaso ng tigdas sa Metro Manila at sa ibat-ibang lugar sa bansa.
Kaya naman, ang DOH ngayon ay nagsasagawa ng catch up immunization at double time sa pagbabakuna kontra tigdas lalo na para sa mga bata.
Katuwang ang local government units at pribadong sektor, isinagawa ang catch up immunization sa bahagi ng Binondo, Maynila.
Target na bakunahan kontra tigdas ang mga bata na 9 buwang gulang hanggang 59 na buwan o limang taong gulang pababa.
Sa ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit, nasa 368 ang naitalang kaso mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Director for DOH Metro Manila Center for Health Department Dr. Lester Tan, mayroong naitalang pagtaas ng kaso pero nasa LGU na aniya kung magdedeklara ng outbreak dahil ito ay kanilang karapatan.
Magkakaroon naman ng Phase 1 at Phase 2 sa pagbabakuna ng DOH kontra tigdas.
Nagsimula na ang DOH sa phase 1 noong Marso 17 na magtatagal hanggang sa Biyernes sa March 28.
Sa ngayon ay nasa mahigit 40,000 na ang kanilang nabakunahan.
Posible namang gawin ang phase 2 ng bakunahan sa ikalawang kwarter ng taon.
Ayon sa eksperto, highly transmissible ang sakit na tigdas kaya dapat makontrol ang ganitong uri ng nakamamatay na sakit.
Ang isang bata na may tigdas ay maaaring makapanghawa ng sampung bata dahil ang sakit na tinatawag na ill born disase ay high transmissible.
Maaari itong magdulot ng kumplikasyon gaya ng pamamaga ng utak at pneumonia kung mahina ang resistensya ng isang bata.
Sinabi ng DOH, hinahabol nilang mabakunahan ang mga batang wala pang bakuna mula noong taong 2021 hanggang taong 2024.
Ayon pa sa DOH, maraming dahilan kung bakit ang ibang bata ay hindi nabakunahan kontra sa sakit-bagay na ginagawan ng paraan ng ahensya.
Ang ilan ay hindi pa rin alam ang benepisyo ng bakuna o natatakot sa side effect ngunit pagtitiyak ng DOH na patuloy na gumagana ang ating bakuna. Jocelyn Tabangcura-Domenden