MANILA, Philippines – Sinabi ni Bishop Patricio Buzon ng Diocese of Bacolod na ang pagkakakulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Nerherlands ay maituturing ng kanyang mga taga-suporta bilang espiritwal na pagkakataon (spiritual opportunity).
“I strongly believe that his detention in The Hague is a special grace. It is a year of grace. This could be the last chance for him to return to God,” sabi ni Buzon sa kanyang Homiliya sa idinaos na Misa sa San Sebastian Cathedral noong March 23.
Sa pagbanggit sa Kasulatan, sinabi ng Obispo na si Duterte, na magiging 80 taong gulang sa Marso 28 ay nabubuhay sa ‘hiram na panahon.’
“In a few days’ time, he will be 80 years old, which means he lives on a bonus, on borrowed time. Prison time is a powerful time. More powerful than any spiritual retreat,” saad ng Obispo.
Habang sinasabi ng tagasuporta ng dating pangulo na ang mga kaso ay may motibo sa pulitika at patuloy na nananawagan para sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, hinamon ni Buzon ang mga loyalistang Duterte na muling isaalang-alang ang kanilang suporta sa liwanag ng kung ano ang pinakamabuti para sa dating punong ehekutibo.
Idinagdag pa ng Obispo na “pinaghihiwalay tayo ng bulag na panatisismo bilang isang bayan.”
Hinikayat niya ang mga Pilipino na ilagay ang pagmamahal sa bayan kaysa sa partisan loyalty at “labanan ang pagkalat ng fake news.” Jocelyn Tabangcura-Domenden