MANILA, Philippines – Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na walang kapasidad ang gobyerno na pansamantalang kunin ang operasyon ng mga oil company sa bansa sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Middle East.
Sa isang panayam, sinabi ni Garin na “not a good idea right now” ang pag-take over ng pamahalaan, kahit pa maglalabas ang Department of Energy (DOE) ng dagdag na direktiba sa mga oil company.
“Government does not have that capacity kasi 14,000 po ang mga oil gas stations natin at several oil companies at ‘yung negosyo po na ito binitawan na po ito ng gobyerno,” aniya.
Binalaan niya na kung babaguhin ang buong sistema sa gitna ng krisis, maaari lamang lalong mahirapan ang publiko lalo na kung hindi kakayanin ng gobyerno na maayos na pamahalaan ang libo-libong gasolinahan sa buong bansa.
“Now po, if we do change the whole ecosystem in the middle of this problem, eh, baka naman lalong mag-suffer po ang ating mga kababayan kasi baka po hindi ganoon ka-efficient, baka magsara pa ‘yung iba kasi hindi kaya ng gobyerno to manage 14,000 gas stations in the whole country,” dagdag niya.
Tinutukoy ni Garin ang desisyon ng Korte Suprema na nagsasaad na sa ilalim ng Downstream Oil Industry Deregulation Act, may kapangyarihan ang DOE, sa ngalan ng pangulo, na pansamantalang kunin ang operasyon ng mga oil firm sakaling magkaroon ng national emergency.
Ayon kay Garin, nasa 1,000 lamang ang tauhan ng DOE at hindi naman ito nasa negosyo ng langis, kaya ang pangunahing papel nito ay regulasyon, pagbabantay, at pagpigil sa mga posibleng abuso.
“Kung DOE lang po ‘yung pag uusapan, mga 1,000 lang po ‘yung tao ng DOE. We are not in the business of oil, ano. We can regulate. I think the most— meron nga namang emergency powers but it’s more monitoring and controlling any abuses there,” aniya.
Lumabas ang pahayag matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang state of national energy emergency at iutos ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport para sa mga apektadong sektor. Nilagdaan na rin ng Pangulo ang batas na nagbibigay sa kaniya ng emergency power para suspendihin o bawasan ang excise tax sa fuel.
Sinabi rin ni Garin na naghahanap ang gobyerno ng paraan upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo sa pamamagitan ng sama-samang sakripisyo mula sa oil companies at sa pamahalaan.
“Naghahanap kami ng paraan para tulong-tulong lahat. Oil companies may kaonting sakripisyo, gobyerno may kaonting sakripisyo at saka para matulungan po ‘yung mga kababayan natin,” aniya.
Dagdag pa niya, kailangang tama ang magiging pormula sa price control upang hindi maubusan ng suplay at maiwasang magsara ang mga gas station at oil company.
“Price control kailangan ‘yung tamang formula lang na hindi din tayo mauubusan na mag sara lahat ng gas stations natin, oil companies,” dagdag niya.
Samantala, umabot na sa 415 gas stations sa buong bansa ang pansamantalang nagsara hanggang Miyerkules ng umaga dahil sa pagtaas ng presyo ng fuel, ayon sa pulisya. Dave Baluyot