MANILA, Philippines – Sinabi ng Chinese Embassy sa Maynila nitong Huwebes na nagkaroon ng “positive progress” ang usapan ng Pilipinas at China hinggil sa posibleng joint oil and gas exploration sa South China Sea.
Sa mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ng embahada na nagsagawa ng “in-depth discussions” ang dalawang bansa tungkol sa joint development sa pinagtatalunang karagatan.
“Setting aside differences and pursuing joint development is the right path to uphold peace and stability in the South China Sea and deliver benefits to countries in the region and their peoples,” ayon sa Chinese embassy.
“China and the Philippines have conducted in-depth discussions on joint oil and gas development in disputed waters in the South China Sea and have made positive progress. As long as the Philippine side demonstrates sincerity, China’s door to dialogue and cooperation will remain open,” dagdag pa nito.
Lumabas ang pahayag kasabay ng paglilinaw ng pamahalaang Pilipino na wala pang isinasagawang joint exploration sa ngayon, ngunit maaari itong mangyari sa mga susunod na panahon.
“Not at this point in time, but it may be forthcoming,” naunang sinabi ni Department of Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro.
Nauna na ring nagpahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng pagiging bukas sa muling pagsisimula ng usapan sa Beijing para sa isang joint energy project, ayon sa isang panayam ng Bloomberg.
Gayunman, nananatiling sensitibo ang anumang posibleng kasunduan dahil sa matagal nang usapin sa soberanya, mga limitasyon ng Konstitusyon, at magkakapatong na pag-aangkin sa pinagtatalunang karagatan, kabilang ang mga lugar sa West Philippine Sea.
Noong Enero 2023, ibinasura ng Korte Suprema ang Joint Marine Seismic Undertaking na kinasasangkutan ng Pilipinas, China, at Vietnam. Ayon sa Korte, lumabag ito sa Konstitusyon dahil pinayagan ang mga dayuhang kumpanya na magsaliksik sa likas na yaman ng bansa. Kalaunan ay pinagtibay rin ng mataas na hukuman ang naturang desisyon.
Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea, kabilang ang mga bahaging inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei. Ang mga bahagi ng dagat na nasasakupan ng teritoryo ng Pilipinas ay tinawag ng gobyerno na West Philippine Sea upang patatagin ang pag-aangkin ng bansa.
Ang West Philippine Sea ay tumutukoy sa mga katubigang nasa kanlurang bahagi ng kapuluan ng Pilipinas, kabilang ang Luzon Sea at mga katubigan sa paligid, loob, at katabi ng Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc.
Noong 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas at sinabi na “no legal basis” ang pag-aangkin ng China sa South China Sea. Hindi kinikilala ng China ang naturang ruling. Dave Baluyot