MARIING kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), ang pagpapataw ng Tsina ng sanksyon laban kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., na aniya’y isang hakbang na nagpapakita ng panggigipit sa mga opisyal na nagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.
Ayon kay Goitia, hindi lamang si Teodoro ang puntirya ng naturang hakbang kundi maging ang paninindigan ng bansa sa pagsusulong ng mga karapatan nito sa West Philippine Sea.
“Ang mga sanksyong ito ay hindi lamang laban kay Secretary Teodoro kundi isang mensaheng ipinadadala sa mga Pilipinong naninindigan para sa ating soberanya,” ani Goitia.
Binigyang-diin niya na may karapatan ang mga opisyal ng Pilipinas na ipagtanggol ang pambansang interes alinsunod sa internasyonal na batas at hindi dapat maimpluwensiyahan ng anumang uri ng panlabas na presyon.
Kasabay nito, nagpahayag din si Goitia ng pagkabahala sa mga ulat hinggil sa pananatili ng isang lumulutang na istrukturang Tsino sa loob ng lagoon ng Bajo de Masinloc sa kabila ng mga diplomatikong hakbang na isinagawa ng pamahalaang Pilipino.
Ayon sa kanya, hindi dapat maliitin ang naturang usapin dahil maaari itong maging bahagi ng unti-unting pagpapalawak ng presensya ng ibang bansa sa mga lugar na inaangkin ng Pilipinas.
“Ang mga ganitong pangyayari ay hindi dapat ituring na ordinaryong insidente. Kapag hindi natutugunan ang mga paglabag, maaari itong magbigay-daan sa mas malalaking hamon sa ating mga karapatang soberano sa hinaharap,” ani Goitia.
Iginiit din niya na higit pa sa usapin ng isang bahura o anyong-dagat ang nakataya sa Bajo de Masinloc. Aniya, nakasalalay dito ang kakayahan ng bansa na ipagtanggol at igiit ang mga karapatan nito sa harap ng mga hamon sa teritoryo at soberanya.
Nanawagan si Goitia sa publiko na suportahan ang mga legal at mapayapang hakbang ng pamahalaan upang mapangalagaan ang pambansang interes at mapanatili ang pagkakaisa sa gitna ng mga usaping may kaugnayan sa teritoryo ng bansa.
“Hangad natin ang mapayapang ugnayan sa lahat ng bansa, ngunit hindi ito dapat maging kapalit ng ating soberanya at mga karapatang teritoryal,” dagdag niya.
Si Goitia ay Chairman Emeritus ng ABKD, People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Kilala siya sa pagsusulong ng mga adbokasiyang may kaugnayan sa demokrasya, reporma, at pambansang soberanya. JAY Reyes