MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno sa Trillion Peso March nitong Linggo sa People Power Monument na may utang ang administrasyon nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte sa mga Pilipino, at ang pinakamahalaga rito ay good governance.
Una niyang binanggit na may utang ang dalawa sa publiko na ipakita ang kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
“BBM, nasaan ang SALN mo? Sara, nasaan ang SALN mo?” sabi ni Diokno.
“Naglabas na kami ng SALN sa Akbayan. May utang kayo, at babayaran ninyo ito,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Diokno na may utang ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biktima ng war on drugs at sa korapsyon na nangyari noong panunungkulan niya sa Malacañang.
“May utang kayo sa lahat ng biktima ng war on drugs, at may utang din kayo sa lahat ng korapsyon na ginawa ninyo noong panunungkulan,” sabi ni Diokno.
Ayon sa mambabatas, may malaking utang rin ang administrasyon ni Marcos sa mga Pilipino dahil sa mga infrastructure projects na umano’y may korapsyon, kabilang ang mga ghost projects at substandard projects.
“Malaki rin ang utang ng kampo ni BBM sa bayan—ghost projects, substandard projects, lahat ng proyekto na puno ng korapsyon. Babayaran ninyo iyon,” dagdag niya.
Kritikal din si Diokno sa closed-door bicameral conference committee session sa Kongreso, na nagresulta umano sa budget insertions, pagpapahina ng independent commission na nag-iimbestiga sa infrastructure anomalies, hindi na-forfeit ang mga korap na pondo, at pagkaantala ng anti-political dynasty bill.
“Ngunit may isa pang utang—ang utang para sa good governance,” ani Diokno.
“Sa tingin ko, hindi nila mababayaran iyon dahil hindi nila alam kung paano ipatupad ang good governance,” dagdag niya.
“Yan ang dahilan kung bakit kami—kami ang hahalili sa kanila sa 2028,” paliwanag ni Diokno, tumutukoy sa halalan sa 2028.
Ipinahayag na rin na nagsagawa ng mga protesta sa buong bansa ang iba’t ibang grupo upang humiling ng transparency at accountability mula sa gobyerno, lalo na sa national budget controversy at alegasyon ng maling paggamit ng pondo sa mga infrastructure projects, partikular sa flood-control projects.
Ang protesta ay isinagawa rin sa paggunita sa kaarawan ni Andres Bonifacio, na kinikilala bilang Ama ng Rebolusyong Pilipino. RNT/MND