Home NATIONWIDE Gov’t task force tiniyak na handa sa epekto ng La Niña

Gov’t task force tiniyak na handa sa epekto ng La Niña

MANILA, Philippines- Tiniyak sa publiko ng task force ng gobyerno laban sa El Niño na nakahanda na ito para pagaanin ang epekto ng La Niña.

Ito’y matapos na itaas kamakailan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang La Niña Watch sa kabila ng nananatiling hinaharap pa rin ng bansa ang epekto ng El Niño o matinding tagtuyot.

Ayon kay Task Force El Niño spokesperson at Presidential Communications Office Assistant Secretary Joey Villarama, ang paghahanda para sa La Niña ay kabilang sa mandato ng inter-agency task force base sa ipinalabas na executive order ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nito lamang unang bahagi ng taon.

“Kung pagbabasehan po natin ‘yung Executive Order (EO) No. 53 Reconstituting and Reactivating Task Force El Niño, nakalagay din po doon ‘(we have to) prepare mitigation measures for El Niño and La Niña,” ayon kay Villarama.

Kabilang sa itinuturing na focus areas ay ang food security, water security, energy security, public health, at public safety.

Gayundin, ang low-lying at flood-prone areas ay mahigpit na imo-monitor sa pakikipagtulungan sa local government units.

Ang La Niña ay isang penomenong pangkaragatan at panghimpapawid na katapat ng El Niño bilang bahagi ng mas malawak na gawi o padron ng klimang El Niño–Southern Oscillation.

Sa loob ng panahon ng La Niña, ang temperatura ng ibabaw ng dagat sa kahabaan ng pang-ekwador na Silanganing Ginang Karagatang Pasipiko ay magiging mas mababa ng 3-5 gradong Celsius kaysa normal.

Ayon sa PAGASA, tinatayang 55% ang probabilidad ng La Niña phenomenon na tatama sa susunod na anim na buwan.

Bagama’t ang imposisyon ng La Niña Watch ay hindi naman garantiya na ang phenomenon ay made-develop, sinabi ni Villarama na maghahanda pa rin ang gobyerno para sa anumang kaganapan.

“Sana po ang panalangin natin hindi po humantong doon sa delubyo ulit ‘yung pagbabaha pero rest assured po naghahanda din po ang government, lahat ng sangay ng gobyerno for that eventuality,” wika niya.

Samantala, sa ngayon, ang El Niño weather phenomenon ay nakapagtala ng P1.23 bilyong agricultural damage sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa ulat, muling binuo ni Pangulong Marcos ang El Niño Task Force sa pamamagitan ng Executive Order No. 53.

Ito’y upang mapaigting ang katatagan ng mga komunidad at masiguro ang sapat na supply ng tubig, pagkain at kalusugan ng publiko.

Sa ilalim ng EO No. 53, ang El Niño Task Force ay pamumunuan ng kalihim ng Department of National Defense at co-chairman ang kalihim ng Department of Science and Technology.

Ang Office of the Civil Defense ang nakatoka sa administrative at technical support ng task force para sa paggampan sa mandato nito. Kris Jose

Previous articleMungkahi ng Tsina sa pagresolba sa WPS issues ‘di tinabla ng Pinas – PBBM
Next articlePagsiklab ng WW3 mula sa WPS tension ‘illogical’ – PCG exec