Home NATIONWIDE Gr. 11 na binaril sa harap ng magulang posibleng konektado sa gang...

Gr. 11 na binaril sa harap ng magulang posibleng konektado sa gang rape

BACOLOD CITY-KAAWA-AWA ang sinapit ng grade 11 student na binata matapos pagbabarilin-patay sa harap mismo ng kanyang mga magulang makaraan pagdiskitahan ng suspek na ama ng kanyang kaklaseng babae na na-gang rape noong Linggo sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Nicus Balagosa, 20 anyos, residente ng Granada Heights Subdivision, Barangay Granada, Bacolod City.

Tugis naman ng pulisya ang apat na persons of interest kabilang isa sa mga suspek na si alyas Dondon, ang ama ng dalagang na-gang rape.

Ayon kay Police Capt. Portia Nillosan, hepe ng Police Station 5, naganap ang krimen bandang 7:00 PM sa bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nasa bilyaran ang biktima ng biglang puntahan ng suspek saka binaril.

Nagawa pang makatakbo ng biktima papunta sa kanilang bahay subalit sinundan ito at pagdating sa bahay pinagbabaril ito sa harap mismo ng kanyang mga magulang.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at iba pang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan saka naman tumakas ang suspek.

Bago ang krimen, dumalo ng birthday party ang biktima kasama ang dalawang pang kaklase na 17 at 19 anyos, ganun din ang dalaga na anak ng suspek.

Kabilang si Balagosa sa pinagbintangan na gumahasa sa anak ni Dondon subalit mariin naman itong itinanggi ng biktima dahil bago nangyari ang panggagahasa ay nakauwi na umano ito sa kanilang bahay.

Patuloy naman ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad laban sa mga suspek na nahaharap sa kasong pagpatay./Mary Anne Sapico