Home NATIONWIDE “Grave abuse” sa pagsusulong ng Senate majority sa virtual participation, pwedeng iakyat...

“Grave abuse” sa pagsusulong ng Senate majority sa virtual participation, pwedeng iakyat sa Supreme Court

57
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon nitong Huwebes na maaaring nagkaroon ng “grave abuse of discretion” ang mayorya sa Senado sa pagsusulong ng pag-amyenda sa mga patakaran ng Mataas na Kapulungan na magpapahintulot ng virtual participation at pagboto ng mga senador.

“Mayroon po. Puwede pong i-akyat sa Korte Suprema dahil ang Korte Suprema sa ating Saligang Batas may kapangyarihan na ituwid ang grave abuse of discretion,” pahayag ni Drilon sa panayam sa isang ulat.

Ayon kay Drilon, ang mosyon ni Senator Rodante Marcoleta ukol sa virtual participation ay unang isinangguni sa Committee on Rules, ngunit nabuwag na umano ang komite dahil sa pagbabago ng liderato. Kalaunan ay tinalakay ito sa plenaryo ng mayorya sa Senado na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano.

“Kaya po nag-walk out ang minority para po hindi magawa ng majority ang kagustuhan nila na hindi sang-ayon sa patakaran,” dagdag niya.

Ikinonekta rin ni Drilon ang panukala sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan tinawag niyang “Bato Amendment” ang hakbang na umano’y magpapahintulot kay Senator Ronald dela Rosa na bumoto kahit hindi pisikal na present sa sesyon. Ayon sa kanya, maaaring maging mahalaga ang boto ni Dela Rosa dahil sa dikit na bilang ng mayorya at minorya sa Senado.

Giit niya, tradisyunal na hinihingi ng mga patakaran ng Senado ang pisikal na presensya ng mga senador sa pagboto, maliban na lamang sa mga panahon ng emerhensiya gaya ng COVID-19 pandemic, at binanggit na maging si dating Senadora Leila de Lima na noon ay nakadetine ay hindi pinayagang bumoto nang virtual.

Sa kabila ng kontrobersiya, ipinagtanggol ni Drilon ang pag-walk out ng minority senators sa deliberasyon, at sinabing bahagi ito ng lehitimong parliamentary tactic upang pigilan ang agarang pagpasa ng panukala ng mayorya.

Nagpahayag din siya ng pangamba sa umano’y bumababang tiwala ng publiko sa Senado at pinayuhan si Senate President Cayetano na mahigpit na sundin ang mga patakaran at batas, at isaalang-alang ang reaksyon ng taumbayan sa mga hakbang ng kapulungan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here