MANILA, Philippines – Matapos makailang beses na isnabin ang House Quad Committee hearing, pinatawan ng kasong contempt at pinaaresto na si Police Colonel Hector Grijaldo.
Ayon sa komite apat na beses nang inisnab ni Grijaldo ang patawag ng Kamara at sa apat na beses na ito ay wala siyang balidong rason.
Sinabi ni Taguig Rep. Pam Zamora na ang dahilan ni Grijaldo sa hindi pagdalo ay dahil sa kanyang shoulder injury na ayon sa lady solon ay hindi valid reason.
Inaprubahan naman ni House QuadComm chairman Rep Ace Barbers ang mosyon ni Zamora.
Matatandaan na una nang inakusahan ni Grijaldo ang komite na nagpupumilit sa kanya na kumpirmahin ang testimonya ni retired police Colonel Royina Garma na nag akusa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapatupad ng reward system sa war on drugs.
Ang kampo ni Garma ay itinanggi din ang paratang ni Grijaldo laban sa QuadComm.
Kasabay ng contempt charge ay nagpalabad na ang komite ng warrant of arrest laban kay Grijaldo.
Nabatid mula kay PNP Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) head Police Colonel Rowena Acosta na nahaharap na rin si Grijaldo sa reklamong neglect of duty, ang naturang administrative case ay bunsod din ng hindi nya pagpasok sa trabaho. Gail Mendoza