Home NATIONWIDE PPA: Balikbayan boxes sa holiday season, aabutin pa ng Pebrero bago makuha

PPA: Balikbayan boxes sa holiday season, aabutin pa ng Pebrero bago makuha

MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Philippine Ports Authority sa publiko na agahan ang pagpapadala ng kanilang balikbayan boxes lalo na ngayong Kapaskuhan.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, dahil holiday season, posibleng abutin ng Pebrero sa susunod na taon makarating ang mga balikbayan boxes bago matanggap ng kanilang mga pamilya.

Paliwanag ni Santiago, inaasahan na kasing mataas ang volume o dami ng mga ipinapadala ngayong holiday season kaya mahalagang ipadala ito upang maiwasan ang anumang abala.

Ayon pa kay Santiago, nasa 45 araw ang tinatagal tuwing regular na araw bago makarating sa bansa pero dahil sa holiday season ay asahan na mas matatagalan pa ito at posibleng umabot pa ng Pebrero bago matanggap ng kanilang mahal sa buhay.

Payo naman ni Santiago, makipag-ugnayan sa mga lehitimong freight forwarders para sa mga update sa kanilang mga ipinadala.

Nagbabala rin sa publiko si Santiago na huwag maniwala sa mga text o tawag na nagsasabing may kailangang bayaran para mapabilis ang paglalabas ng mga kargamento. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)