Home METRO GRO huli sa pagbebenta ng P720K marijuana bricks

GRO huli sa pagbebenta ng P720K marijuana bricks

ILAGAN CITY, Isabela – Umabot sa mahigit P720K ang halaga ng marijuana bricks ang nasamsam ng mga otoridad sa isinagawang anti-drugs operasyon ng pulisya sa National Highway Purok 4 sa harap ng gasolinahan sa Brgy. Alibagu, Ilagan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Susan Rocha alyas Grace, 40 anyos tubong Brgy. Molo,Iloilo City, Iloilo at nagtatrabaho sa isang KTV Bar sa Brgy. Upi, Gamu, Isabela.

Sa ipinarating na ulat ni PLtCol. Jeffrey Raposas, hepe ng Ilagan City Police Station kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, ang nasamsam sa suspek ay positibong marijuana bricks sa isinagawang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Isabela Provincial Office, Ilagan City Police Station, IPPO PDEU, PDEG, at RIU2 sa naturang anti-illegal drugs operation.

Nakumpiska sa suspek ang isang sando bag na naglalaman ng anim na marijuana bricks na may timbang na 6,000 grams at estimated street value na P720,000, isang cellphone na ginamit nito sa transaksyon at buy-bust money.

Ayon kay PLtCol. Raposas, nalaman nila ang operasyon ng suspek sa isang concerned citizen kung saan nagsagawa sila ng surveillance at nalaman na ito nagbebenta ng iligal na droga sa bayan ng Gamu at City of Ilagan.

Dahil dito, inilunsad ang drug buybust operation na naging dahilan ng pagkahuli ng suspek na nakapiit na ngayon sa Ilagan City Police Station habang inihahanda ang isasampa sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco