MANILA, Philippines – Sa pamumuno ni Mayor Bryne Bacwaden, pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, ang local government unit (LGU) ng Besao, Mountain Province, sa kanilang pagsisikap na mapabuti ang access sa mga serbisyong pangkalusugan para sa komunidad.
Sa groundbreaking ng Besao Super Health Center, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, lalo sa mga liblib at hindi gaanong naseserbisyuhang mga rehiyon.
“Ipagpatuloy natin na ilapit ang serbisyong medikal sa ating mga kababayang mahihirap na walang matakbuhan, lalo na sa malalayong lugar,” sabi ni Go.
“Para sa mga mahihirap nating kababayan, napakaimportante po nito dahil iyan po ang kanilang lalapitan po talaga, itong mga government health facilities natin. The more we should support it, the more na mag-invest po tayo sa ating healthcare system,” dagdag niya.
Ang Super Health Centers ay nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo sa healthcare, kabilang ang database management, out-patient, panganganak, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), parmasya, at ambulatory surgical unit. Magagamit din ito sa serbisyo sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), oncology center, physical therapy at rehabilitation center, at telemedicine.
Sa pagsisikap ng Department of Health (DOH) sa pangunguna ni Secretary Teodoro Herbosa, LGU, at mga mambabatas, sapat na pondo ang inilaan sa ilalim ng DOH para sa pagtatayo ng higit 700 SHC. May lima nito ang pinondohan sa Mountain Province.
Kilala bilang “Mr. Malasakit”, ipinaabot ni Go ang kanyang tulong sa mga indibidwal na naghahanap ng suportang medikal na suportado ng gobyerno. Binigyang-diin niya ang pagkakaroon ng Malasakit Centers sa lalawigan, na matatagpuan sa Luis Hora Memorial Regional Hospital at Bontoc General Hospital.
“Maraming salamat po sa inyong lahat. Hindi ko sasayangin ang oras na ibinigay ninyo sa akin. Magtatrabaho po ako at tutulong po ako sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang serbisyo sa inyong lahat,” ani Go.
Dumalo rin ang senador sa groundbreaking ng Besao District Hospital na kanyang sinuportahan bilang chairperson ng Senate committee on finance. RNT