Home NATIONWIDE Grupo nagbabala vs ipinagbabawal na kemikal sa ilang pabango

Grupo nagbabala vs ipinagbabawal na kemikal sa ilang pabango

MANILA, Philippines- Ilang mga ‘pabango’ na ibinibenta sa mga mall ang natuklasang mayroong nakalalasong kemikal kaya naman muling nagbabala ang toxic watchdog sa publiko, ilang araw bago ang pagdiriwang ng Valentine’s Day, kung saan ito ang kadalasang ipinangreregalo.

Sa market survellaince ng Ecowaste Coalition na isinagawa sa Makati, Manila at Quezon City, natuklasan ng toxic watchdog na 36 produktong pabango mula sa 16 brands ang mayroong butylphenyl methylpropional (BMHCA) o kilala bilang lilial o lysmeral bilang ingredient.

Ayon sa watchdog, ang pagbebenta ng mga produktong ito ay lumalabag sa Food and Drug Administration (FDA) Circular No. 2023-007, na nagbabawal sa paggamit ng BMHCA sa mga kosmetiko. Nagkabisa ang pagbabawal noong Nob. 21, 2024, kasunod ng 24 buwang transition period na itinakda ng 36th ASEAN Cosmetic Committee Meeting noong 2022.

Ayon sa grupo, iniulat na nila ang kanilang findings sa FDA at hinikayat ang mga awtoidad na gumawa ng agarang aksyon laban sa importers, distributors at retailers na nagbebenta ng ipinagbabawal na produkto.

Ayon pa sa Ecowaste, nagbabala ang mga eksperto tungkol sa panganib ng pagkakalantad sa BMHCA na nauugnay sa reproductive toxicity, endocrine disruption at allergic reactions. Jocelyn Tabangcura-Domenden