MANILA, Philippines- Nananatiling matatag ang posisyon ng National Maritime Council (NMC) sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ng NMC na ang bansa ay determinado laban sa foreign intrusions at hindi kailanman magiging urong-sulong na idepensa ang soberanya nito.
Ipinahayag ito ng NMC matapos mangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng pamahalaan na ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa gitna ng banta ng “monster ship” ng China Coast Guard (CCG).
“We stand resolute against any foreign intrusion into our maritime zones and will never cease upholding our rights and honoring our duties under international law, particularly the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) and the 2016 Arbitral Award,” ayon sa NMC.
“The Philippines, while committed to the peaceful settlement of disputes and proper diplomatic approaches, will never waver in protecting its national territory and maritime domain,” dagdag nito.
Nauna rito, inamin ni Pangulong Marcos na walang kakayahan ang Pilipinas na palayasin ang monster ship ng Tsina mula sa territorial waters ng bansa.
Aminado ang Pangulo na napag-iwanan na ng Tsina ang Pilipinas sa ‘fleet size at lakas.’
Subalit sa kabila nito, binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na ang polisiya ay para ipagpatuloy lamang ang pagdepensa sa sovereign territory nito at territorial rights sa EEZ.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na bumalik ang China Coast Guard (CCG) massive vessel 5901 o mas kilala bilang “monster ship” sa katubigan malapit sa Bajo de Masinloc.
Iniulat ni PCG for the West Phlippine Sea spokesperson Commodore Jay Tarriela na dalawang CCG vessels ang naispatan sa Bajo de Masinloc habang tatlong iba pa ang nanatili sa baybayin ng Zambales.
Sa kabila ng mga hamon, sinabi ni Tarriela na ang PCG ay aktibong kinikompronta ang Chinese vessels.
Sinabi ni Tarriela na inaprubahan ni Pangulong Marcos ang pagkuha ng lima pang 97-meter vessels mula Japan at 40 karagdagang vessels mula France upang palakasin ang PCG. Kris Jose