MANILA, Philippines- Aabot sa halos ₱68 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat ng mga awtoridad sa buy-bust operation sa isang mall sa Pasay City pasado alas-3 ng hapon noong Pebrero 7.
Laglag ang dalawang lalaking suspek na nagpakilalang pasahero at driver ng isang ride-hailing company sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Kalaunan, natukalasang magkapatid ang dalawa.
Buking sa sasakyan ng mga suspek ang 10 kilo ng hinihinalang shabu.
Sinabi ng PDEA na galing Zamboanga City ang magkapatid na nagsasagawa ng ilegal na transaksyon sa Metro Manila.
“Hindi daw nila alam kung ano ‘tong laman ng mga ito. Typical na talagang dine-deny nila na ‘yong transaction na wala silang nalalaman. No’ng chineck natin ‘yong mga ID, nalaman natin na magkapatid pala sila. So, medyo doon natin nakitaan na mas malalim pa ito,” wika ni Arvin Targa, tagapagsalita ng PDEA Regional Office NCR.
“’Yong possibility na parte sila ng isang grupo is masyadong mataas kaya ang ating operating units, sa ngayon, may follow-up operation silang ginagawa para makita pa kung gaano kalalim itong mga taong ito,” dagdag ni Targa.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang magkapatid na kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/SA