Home NATIONWIDE Grupo ng Filipino-Chinese businessman sa bansa, umapela na ‘wag agad silang husgahan

Grupo ng Filipino-Chinese businessman sa bansa, umapela na ‘wag agad silang husgahan

MANILA, Philippines – HINILING ng isang grupo ng Filipino-Chinese businessman sa pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) na magkaroon sila ng “Advisory Council” na ang layon ay mabigyan ng linaw na wala silang kinalaman o hindi sila sangkot sa anumang aktibidades ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na mahigpit nang ipinagbabawal sa bansa.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni Mr. Jack Wong, External Committee Vice Chairman ng Chinese Filipino Business Club, sa ginanap na Meet the Press Weekly Forum ng National Press Club of the Philippines kung saan nagsilbing moderator si NPC President Leonel “Boying” Abasola nitong Martes ng umaga, Peb. 25, 2025.

Ayon kay Wong, simula nang maghigpit ang kasalukuyang gobyerno laban sa POGO ay tila nilalahat umano ang mga Chinese sa bansa kahit wala naman silang kinalaman partikular na ang isyu na “espiya” ang ilan sa kanila.

“Minsan hindi nila nadi-distinguish talaga ang ordinaryong Pilipino, Ano ba ang Chinoy? Ano ba yung Chinese na galing sa mainland China? Iba e, basta’t may nakitang may ginawang kalokohan nilalahat na e. Minsan nakakasakit na sa kalooban. Napamahal na sa akin ang Pilipinas e,” giit ni Wong.

Aniya, kabilang sila sa mga Filipino-Chinese na naninirahan sa bansa kung saan sa Pilipinas na sila ipinanganak, nag-aral, nakapagtrabaho, nagkaroon ng pamilya, at sa Pilipinas na din umano sila mamamatay. Sila aniya ay may mga dugong Tsinoy ngunit may pusong Pinoy.

“Sa dami ng aming ginagawa dito at least man lang, huwag naman agad kaming husgahan agad. I-explain o i-identify naman nila kung sino ang Chinoy, sino ba talaga ang foreigner na galing sa ibang bansa,” dagdag pa ni Wong.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Mr. Richard Alviar ng CFBC, na may umiiral na silang advisory council sa pagitan ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Aniya, malaking tulong ang kanilang grupo na makipagtulungan sa mga nasabing ahensiya ng gobyerno upang madetermina kung ano ang peke o mga smuggled na produkto na nakakapasok sa bansa habang sa parte naman ng DOLE ay upang malaman na kung ang mga empleyado sa bansa na nagpapakilalang Chinoy ay lehitimong ipinanganak sa bansa na may lahing Chinese o nagpapanggap lamang. JR Reyes