Home NATIONWIDE Grupo ng magsasaka kay PBBM: National Economic Sabotage Act Council itatag

Grupo ng magsasaka kay PBBM: National Economic Sabotage Act Council itatag

MANILA, Philippines- Nanawagan ang sektor ng agrikultura kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na kailangan nang pagpulungan sa lalong madaling panahon ang pagbuo ng National Economic Sabotage Act Council upang masampolan na ang mga nasa likod ng smuggling, hoarding at profiteering.

Sa pulong balitaan, sinabi ni AGAP Partylist Representative at Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP) chairperson Nick Briones na kailangan nang bumuo ng council para magkaroon ng polisiya, masiguro na magkaroon ng enforcement group at maging mabilis ang implementasyon ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Binigyang-diin ni Briones, hanggang ngayon ay wala pa rin umanong aksyon ang mga ahensya ng pamahalan na bubuo ng council kabilang ang DTI, NEDA, DOF at DA.

Ito aniya ang kahilingan ng lahat ng magsasaka, magbababoy sa buong bansa at ang pamilyang Pilipino na matagal nang nahihirapan dahil may mga nagsasamantala lalo na sa presyo ng bigas.

Giit ni Briones, mahalaga na maitatag ang konseho dahil sila ang maglalatag ng polisiya at bubuo ng enforcement group para mahuli, makasuhan at mapanagot ang smugglers, hoarders at profiters.

Kailangan din aniya na matutukan ng Pangulo ang isyu upang hindi mabalewala ang naging banta nito laban sa mga smugglers kung saan atasan na umano sana niya ang nararapat na mga ahensya na kumilos para mapalakas ang nasabing batas.

Matatandaan na naharang kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) amg pagpasok ng 21 containers ng smuggled frozen mackarel galing sa China sa Manila International Container Port (MICP).

Samantala, dahil sa pagiging kinatawan ng mga sektor ng magsasaka, muling umangat sa mga survey ang AGAP para sa May 2025 elections.

Sa 157 na kalahok na partylist, ito ay umangat sa no. 11 sa Tangere at OCTA survey habang ika-14 naman sa huling Social Weather Survey.

Sinabi ni Briones na maaring napantanto ng mga Pilipino na mayroon talagang sektor na sumusuporta sa mga magsasaka, magbababoy, at magmamanok. Jocelyn Tabangcura-Domenden