MANILA, Philippines- Naalarma ang toxic watchdog Ecowaste Coalition sa pagkalat ng ibinebentang lucky charm bracelets na nagtataglay ng mapanganib na antas ng cadmium, na toxic metal bago ang pagdiriwang ng Chinese New Year.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Enero 26, nanawagan ang grupo sa gobyerno na gumawa ng agarang aksyon para i-regulate ang produksyon at pagbebenta ng mga naturang item upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko at ang kapiligiran.
“Cadmium, which has the atomic number 48 and symbol Cd, is “among the 10 chemicals or groups of chemicals of major public health concern as determined by the World Health Organization (WHO),” ayon sa EcoWaste.
Nagbabala ang WHO na ang cadmium ay nagdudulot ng mga nakalalasong epekto sa mga bato gayundin sa mga skeletal at respiratory system at inuri bilang isang carcinogen ng tao.
Sinabi ng grupo na 25 bracelet ang kanilang sinuri mula sa mga retailers sa Quiapo, Manila at natuklasan na 18 ang naglalaman ng mga bahagi ng Pi Yao na may cadmium na higit sa 10 porsyento o higit sa 100,000 parts per million (ppm) na sinusukat gamit ang X-ray Fluorescent (XRF) spectrometer.
Ayon sa Ecowaste, ang nasabing antas ng cadmium ay higit na mataas sa paghihigpit ng European Union na hindi hihigit sa 0.01 porsyentong cadmium sa alahas.
Pito sa mga bracelet ay natuklasang negatibo sa cadmium.
Nagpahayag din ang grupo na alalahanin sa kawalan ng labeling sa mga produkto.
Nanawagan ang EcoWaste sa manufacturers, distributors, at sellers na tiyakin na ang kanilang produkto ay nasuri, sertipikado at may label na cadmium-safe.
Nanawagan din ang EcoWaste sa gobyerno na tugunan ang mga regulatory gaps. Jocelyn Tabangcura-Domenden