Home NATIONWIDE Pagpapairal ng Tsina ng ‘new order’ sa labas ng hurisdiksyon binatikos ng...

Pagpapairal ng Tsina ng ‘new order’ sa labas ng hurisdiksyon binatikos ng PCG

MANILA, Philippines- Kinondena ng Philippine Coast Guard (PCG) ang China sa pagpapataw ng “new order” sa maritime areas sa labas ng hurisdiksyon nito, na nagpapahina sa rules-based international system.

Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ang Chinese Coast Guard (CCG) ay nagbanta na gagawa ng “mga kinakailangang hakbang” laban sa barko ng PCG, BRP Cabra, kung ito ay tumanggi na umalis sa karagatan ng Zambales.

Naispatan ang CCG vessel 3103 na ilegal na nag-ooperate sa layong 93 nautical miles sa baybayin ng Zambales na nasa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Idinagdag pa ng opisyal na ang mga aksyon ng CCG ay tahasang binabalewala ang internasyonal na batas– iginiit ang hurisdiksyon sa mga katubigan na lampas sa legal na baseline ng China.

Binigyang-diin ni Tarriela na sinumang tunay na nagmamalasakit sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon ay kikilalanin ang presensya ng CCG sa EEZ ng Pilipinas bilang “barbaric at illegitimate.”

Ibinunyag ng PCG na noong Sabado, ang CCG-3103, na sinamahan ng tinatawag na “monster ship” na CCG-5901, ay hinarass ang BRP Cabra sa pamamagitan ng paggamit ng long-range acoustic device (LRAD).

Ang LRAD ay naglalabas ng mga high-decibel na tunog na may kakayahang magdulot ng matinding pananakit at pinsala sa pandinig, ayon sa mga crew members.

Nangyari ang harassment ng China sa magkahiwalay na insidente noong Biyernes kung saan ang CCG at People’s Liberation Army-Navy ay nang-harass ng mga sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic resources (BFAR) malapit sa Sandy Cay sa West Philippine Sea. Jocelyn Tabangcura-Domenden