MANILA, Philippines- Arestado ang tatlong miyembro ng umano’y organized crime group na sangkot sa mga pagnanakaw sa convenience stores sa isang checkpoint sa Quezon City.
Batay sa ulat nitong Biyernes, mayroong uniporme na pang-convenience store ang mga suspek na ginagamit nila upang magpanggap na tauhan ng ninanakawan nila.
“Kapag pumasok sila, undetected and all, hindi na sila ise-secure o hindi na sila che-checkin ng mga security guard doon,” pahayag ni National Capital Region Police Office chief PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Nasabat mula sa getaway vehicle ng mga suspek ang iba’t ibang kagamitan para sa kanilang krimen tulad ng baril, martilyo, cellphones, at convenience store employee uniforms.
Tina-target din ang mga vault ng convenience stores sa pagnanakaw ng mga suspek, batay sa ulat.
“Kapag baba sa kanila sa sasakyan, mawawala yung sasakyan. Then after committing the heist, they will take the taxi or jeep, iikot-ikot ‘yun, magkakahiwalay. Then they will go back to the Fortuner na sasakyan,” paglalahad ni Nartatez.
Bukod sa Metro Manila, nagnanakaw din ang crime group sa iba pang rehiyon tulad ng Central Luzon, Calabarzon, at hanggang Cordillera region.
Sinabi ni Quezon City Police District director Police Brig. Gen. Redrico Maranan na kabilang ang pinuno ng grupo sa watchlist ng intelligence units sa Central Luzon, at ang dalawa niyang kasamahan ay sangkot sa “budol-budol” scheme.
Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang walong iba pang miyembro habang ang mga naaresto na ay mahaharap sa kasong robbery, hold-up, at illegal possession of firearms and explosives. RNT/SA