MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong katiwalian laban kay dating Comelec commissioner at ngayo’y P3PWD Partylist Rep. Rowena Guanzon dahil sa pagbubunyag agad sa publiko ng confidential information hinggil sa disqualification case laban sa dating presidential candidate na si Bongbong Marcos noong 2022.
Sa resolution ni Ombudsman Graft Investigation and Prosecution Officer III Fatima Kristine J. Franco-Ilao, may sapat umanong basehan para kasuhan si Guanzon ng dalawang bilang ng paglabag sa Section 3(k) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Napatunayan ng Ombudsman na wala sa panahon na inilabas ni Guanzon ang mga confidential information ng Comelec sa kanyang panayam sa reporter ng GMA na si Sandra Aquinaldo noong January 27, 2022 at sa reporter ng Rappler na si Paterno Esmaquel II noong January 28, 2022.
Magugunita na ilang araw bago ilabas ng Comelec First Division ang resolusyon nito na nagbabasura sa disqualification case laban kay Marcos, nagpainterbyu si Guanzon sa GMA at sa Rappler at ibinunyag na ang boto nito ay idisqualify si Marcos sa presidential race.
Ibinunyag din ni Guanzon ang magsisilbing may-akda ng resolusyon na si Commissioner Aimee P. Ferolino.
Ikinuwento rin ni Guanzon ang magiging laman ng kanyang separate opinion sa kaso ni Marcos kahit ang lahat ng ito ay nakabinbin pa sa Comelec First Division.
Ayon sa Ombudsman mayroon Comelec Resolution No. 10685 o “In the Matter of People’s Freedom of Information Manual,” na kumikilala na may mga ‘exceptions’ sa right of access of information.
Si Guanzon ay una nang inireklamo nina Citizen’s Crime Watch Chairman Ferdinand S. Topacio at President Diego S. Magpantay ng paglabag sa Snyi Graft Law, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at revelation of secrets by an officer sa ilalim ng Article 229 ng Revised Penal Code (RPC).
Idinismis lamang ng Ombudsman ang reklamong paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at revelation of secrets by an officer sa ilalim ng Article 229 ng Revised Penal Code (RPC) dahil bigo ang mga complainant na patunayan na may personal na interes si Guanzon na nagdulot ng malubhang pinsala sa interes ng publiko. Teresa Tavares