Home OPINION GULO SA PNP LUTASIN SA KATOTOHANAN

GULO SA PNP LUTASIN SA KATOTOHANAN

DAPAT na malutas agad nang tama ang problemang bumabalot sa Philippine National Police-National Capital Region Police Office na ikinadamay na rin ng pamunuan ng PNP ukol sa raid sa sinasabing cyber crime hub o pogo hub sa Century Tower sa Malate, Manila.

Sa pinakahuling balita, nagpunta sa National Police Commission at kinasuhan ng ilang Chinese ng pangingikil o extortion si NCRPO chief Major General Sidney Hernia at 14 niyang kasamahan sa pag-raid sa lugar.

Ayon sa mga Chinese, hiningan sila ng P1 milyon bawat isa at bibigyan sila ng abogado na may konek sa itaas na magtatanggol sa kanila sa kaso.

Nakipagtawaran umano sila hanggang P500,000 at sa halip na manggagaling sa mga pulis ang abogado, hiniling nilang mga kamag-anak nila ang maghahanap ng abogado para sa kanila.

Hiniling din ng mga Chinese na isalilalim sa preventive suspension ang mga pulis habang ginaganap ang kahilingang imbestigasyon laban sa mga ito.

PAOCC DUMISTANSYA

Noong una pa lang na lumitaw ang balita, dumistansya kaagad ang Philippine Anti-Organized Crime Commission sa pangyayari at sinabing wala silang kinalaman sa raid ng mga pulis.

Nagkagulo-gulo ang pangyayari nang ayaw tanggapin for custody ng Bureau of Immigration ang mga dayuhan na nahuli sa raid, kasama ang mga nagreklamong Chinese, ilang Indonesian at Malaysian at siyempre pa, mga empleyadong Pinoy.

Natagpuan umanong walang papeles ang mga dayuhan kaya inilapit ng mga pulis ang mga ito sa BI ngunit makaraang tumanggi ang BI sa kawalan ng reklamo laban sa mga ito, pinakawalan na lang ng mga pulis ang mga dayuhan upang hindi makasuhan arbitrary detention.

Nasabi na ng PAOCC ang posisyon nito.

DEPENSA NG PNP

Sa pakikipagtuos sa PAOCC, sinabi ng PNP na hindi Philippine Offshore Gaming Operators ang nasa likod ng operasyon nito kundi PNP-Anti-Cyber Crime operations.

Hindi rin maikakaila umano na ang tinarget nilang kompanya na Innovative Solutions na nasa search warrant  ay ang Quantum Solutions na ibang business name ng una.

At dahil paglabag umano sa securities code ang krimen ng nasabing kompanya, hindi kasama ang PAOCC na laban sa anti-trafficking in persons, ayon kay PNP spokesperson Brigadier General Jean Fajardo.

Ayon naman kay Atty. Baby Perian Arcega, legal counsel for the Century Peak Tower, ang warrant ay laban sa Vertex Technology Corporation ngunit matagal na umanong wala iyon sa gusali noon pang 2023.

Nangamba si Arcega na magdudulot ng hindi maganda ang pagpasok ng mga pulis sa mga lugar o floor ng building na hindi kasama sa warrant at pagmaniobra pa ng mga pulis sa mga CCTV noong may raid.

KATOTOHANAN PAIRALIN

Nakababahala ang mga pangyayaring ito na kung hindi maayos ayon sa katotohanan, madudungisan nang husto mismo ang PNP.

Tatandaan na nang ipagtanggol ng Camp Crame ang ligalidad ng operasyon ng NCRPO, nangangahulugang ikinonek ito sa Camp Crame.

Kung ganoon, sangkot mismo ang pamunuan ng PNP sa kontrobersya na kung hindi maaayos ayon sa buong katotohanan ay magsisilbing kasiraan hindi lang sa PNP kundi sa pamahalaan.

Napakahalagang mukha sa taumbayan ng pamahalaan ang pulisya at naniwala tayong maninindigan ito sa katotohanan sa gitna ng kontrobersya.