Home NATIONWIDE Gulo sa Senado ikinagalit ni VP Sara; ICC warrant, walang hurisdiksyon

Gulo sa Senado ikinagalit ni VP Sara; ICC warrant, walang hurisdiksyon

73
0

MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Vice President Sara Duterte si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng tumitinding tensyon sa Senado kasunod ng insidente ng pamamaril at iba pang usapin sa seguridad.

Sa isang panayam sa The Hague, sinabi ni Duterte na nalulungkot at nagagalit siya sa mga pangyayaring ito, na aniya ay nagpapakita ng kawalang respeto sa Senado bilang institusyon.

“Nakakalungkot at nakakagalit sa nangyayari sa ating bayan lalong lalo na sa pagpapakita ng disrespect sa insitutusyon ng Senado,” aniya.

Binigyang-diin niya ang paninindigan na walang hurisdiksyon sa Pilipinas ang mga foreign court at tribunal maliban kung ito ay kinikilala at ipinapatupad ng lokal na hukuman.

“Sinasabi ko noon, hindi pwede yan dahil ang mga foreign court at foreign tribunals, wala silang jurisdiction sa loob ng Pilipinas kaya wala ring bisa lahat ng issuances ng foreign courts sa Pilipinas maliban na lang kung ipasok yan sa local courts at yung local courts ang mag-issue ng kanyang sariling Philippine order base don sa mapagusapan sa kaso, yun ang dapat na proseso,” dagdag niya.

Ayon pa sa Bise Presidente, ang pagpapahintulot umano ng ganitong proseso sa ilalim ng isang Republic Act ay maaaring lumabag sa karapatan ng akusado sa ilalim ng Bill of Rights ng Konstitusyon.

“Dahil pag sinasabi mo na pwede yan sa isang Republic Act, masasagasaan niya yung rights ng isang accused na nasa Bill of Rights natin na protektado ng Constitution natin. Ibig sabihin nava-violate yung rights ni Senator Dela Rosa, at nakita na natin noon,” aniya.

Inilarawan din niya ang paglipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dayuhang awtoridad bilang “extraordinary rendition” at hindi isang legal na pagsuko.

“Sa paningin ng buong mundo, ang tawag nila doon ay extraordinary rendition, hindi surrender dahil sapilitan mo kinuha at dinala mo sa ibang bayan,” ani Duterte.

Sinabi rin niyang alam ng dating Pangulo ang nangyayari sa Senado matapos mapanood ang mga ulat sa telebisyon, at una sana niyang hindi ito sasabihin sa kanya ngunit nakita rin niya ang balita.

Ayon pa sa Bise Presidente, nakausap niya nang maikli si Sen. Dela Rosa noong nakaraang araw ngunit naputol ang usapan dahil sa mga pagpupulong. Dagdag pa niya, sinubukan siyang tawagan ng senador ngunit hindi siya nakasagot.

Patuloy umano siyang nakikipag-ugnayan sa mga kaalyado sa Senado at tinitingnan ang mga paraan upang magbigay ng suporta kay Dela Rosa sa gitna ng kontrobersiya.

Sa isyu naman ng impeachment complaint na ipinasa ng Kongreso, tumanggi siyang magbigay ng karagdagang pahayag at sinabing ang legal at impeachment teams na ang hahawak dito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here