LANAO del Norte, Philippines – Tinukoy ng mga awtoridad ang mga highschool student na nanggulpi sa biktimang 9-anyos sa Iligan City. Dahilan upang ito ay ma-comatose ng ilang araw.
Ayon sa Iligan City Police Office (ICPO), hindi basta-basta makakasuhan ang mga suspek dahil pawang mga menor-de-edad pa ang mga ito.
Sa panahong makuhanan na ng pahayag ang biktima ukol sa insidente, maaaring dalhin ang usapin sa City Prosecutor’d Office upang mapagdesisyunan kung ipapadala ang mga suspek sa Bahay Pag-asa Center para sa kaukulang intervention, ayon kay ICPO Spokesperson Zandrex Panolong.
Sa kabilang banda, desidido ang ina ng biktima na sampahan ng reklamo ang mga nanakit sa kaniyang anak.
“Di pwede ang pasaylo-pasaylo ra uy kay sa ilang gibuhat, dili. Ok lang og wala nila ni (gikulata)… hapit mamatay ang akong anak… kritikal kaayo ang akong anak paghatod namo diri unya i-agi ra og pasaylo,” saad ng ina ng biktima.
Patuloy naman na bumubuti ang kondisyon ng biktima matapos magkamalay habang nakaratay sa isang ospital sa Cagayan de Oro City.
Hindi pa raw nakakapagsalita ang biktima at nagagawa lang na makipagkomunikasyon sa ngayon sa pamamagitan ng pagsenyas ng kaniyang mga kamay.
Matatandaang pauwi na ang biktima nang abangan umano ng mga suspek at pagtulungang gulpihin ito. RNT/MND