MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes ang suspensyon ng lahat ng permits to carry firearms outside of residence (PTCFOR) sa Hulyo 22, bilang bahagi ng security measures para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa abiso, sinabi ni PNP Firearms and Explosives Office (FEO) na epektibo ito mula alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-11:59 ng gabi.
“This suspension is a precautionary measure to ensure public safety and security during the event, ” saad sa abiso.
Nauna nang sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo nitong linggo na tinututukan nila ang security measures sa bisinidad ng Batasang Pambansa Complex dahil ang seguridad sa loob ng chamber ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng House Office of the Sergeant at Arms at ng Presidential Security Group.
Ani Fajardo, regular silang nakikipag-ugnayan sa kanilang counterparts mula sa ibang law enforcement agencies para sa posibleng banta sa administrasyong Marcos.
Hindi bababa sa 22,000 pulis ang magbabantay sa SONA, at 6,000 ang itatalaga malapit sa Batasang Pambansa Complex kung saan magtatalumpati si Marcos. RNT/SA