MANILA, Philippines – Handa na para sa pagpapatupad ng gun ban sa Bangsamoro Autonomous rgion in Muslim MIndanao (BARMM) ang Commission on Elections (Comelec) para sa Parliamentary elections.
Mamayang hatinggabi, ilalatag ang mga checkpoint at handa na rin ang deployment ng mga tauhan mula sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at Philippine Coast Guard sa iba’t ibang bahagi ng BARMM.
Magsisimula ang pagpapatupad ng gun ban sa rehiyon bukas, Agosto 14 at tatagal hanggang Oktubre 29, 2025 bilang paghahanda sa BARMM Parliamentary Elections sa darating na Oktubre 13, 2025.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na bagama’t may presensya ng mga awtoridad sa rehiyon, tinitiyak ng komisyon na hindi malalabag ang karapatan ng mga residente.
Sa ngayon aniya, wala pang natutukoy na “hot spot” areas na pagbabantayan sa BARMM.
Pagdating naman sa augmentation forces, sinabi ni Garcia na hindi pa kinakailangan sa ngayon, dahil susuriin muna kung kaya ng mga kasalukuyang nakadeploy na awtoridad sa BARMM na pamahalaan ang sitwasyon para sa halalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden