Home NATIONWIDE Gun permits ni Quiboloy, planong suspendihin ng PNP

Gun permits ni Quiboloy, planong suspendihin ng PNP

MANILA, Philippines – Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang pagsususpinde sa permit ng mga baril ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

“Yung pagsu-suspend po ng permits at license to own and possess firearms ay pinag-aaralan na po ng Firearms and Explosives Office,” pahayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa press briefing nitong Lunes, Abril 8.

“In this particular case po, I understand, ang kaso ni Pastor Quiboloy is not related to any use of firearms. But nonetheless, itatanong po natin yan sa FEO kung iyo po bang pagsasampa ng kaso sa kanya for child abuse will be sufficient ground for the possible revocation and cancellation of his license,” dagdag pa niya.

Ani Fajardo, si Quiboloy ay may 19 armas at isa sa mga ito ay napaso na noong Marso.

Sa kabila ng pagkakaroon ng mga armas, sinabi ni Fajardo na hindi maikokonsidera ng PNP si Quiboloy bilang “armed and dangerous” dahil wala itong rekord ng pagiging marahas o pagkuha ng armed group sa mga nakalipas na panahon.

“For now, hindi pa po because wala naman pong indication before na naging marahas po si Pastor Quiboloy at wala naman po tayong na-monitor so far na siya po ay nagma-maintain ng private armed group or army,” aniya.

Umaasa ang mga awtoridad na maaresto na o kusang sumuko si Quiboloy sa mapayapang paraan.

“Ayaw natin na mahaluan ng anumang karahasan or gulo kung saka-sakaling i-serve na po natin itong mga warrant of arrest na in-issue po laban kay Pastor Quiboloy. We are still hoping and praying na maging mapayapa po ang pagsuko niya,” dagdag ni Fajardo.

Nag-isyu na ang mga awtoridad ng arrest warrant laban kay Quiboloy at ilang kasamahan nito dahil sa reklamo ng child abuse.

Apat sa co-accused nito ay kusang sumuko sa mga awtoridad, habang ang isa pa, si Cresente Canada, ay naaresto ng mga tauhan ng NBI.

Naghain ng bail ang lima. Si Quiboloy ay pinaghahanap pa rin ng mga alagad ng batas.

Noong Huwebes, hindi naabutan ng mga awtoridad sa KOJC compound sa Davao City si Quiboloy kaya’t iniabot na lamang sa administrator ng lugar ang warrant.

Wala rin sa prayer mountain ng KOJC si Quiboloy o kaya ay sa resort nito sa Samal Island.

Bukod sa arrest warrant, nag-isyu rin ng kani-kanilang subpoena ang Senado at Kamara laban kay Quiboloy. RNT/JGC