Home HOME BANNER STORY Gunman sa pagpatay sa LTO registration chief arestado

Gunman sa pagpatay sa LTO registration chief arestado

MANILA, Philippines – NADAKIP na ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang nag-iisang gunman na bumaril at pumatay sa chief registration ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City noong Biyernes ng gabi.

Inihayag ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang pag-aresto nitong Lunes, Mayo 27 sa naturang suspek sa isang press conference sa paglulunsad ng mental health hotline ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Sinabi ni Abalos na nadakip na ng mga pulis ang suspek sa pagpatay sa opisyal ng LTO matapos maaresto ng mga awtoridad.

“Tungkol sa pagpatay sa isang opisyal ng LTO na si Mercedita Gutierrez, empleyado ng LTO, nahuli na ng mga pulis ang isang suspek,” anunsyo ni Abalos.

Kaugnay nito, tumanggi naman siyang ibunyag ang karagdagang impormasyon tungkol sa usapin at sinabing mag-aanunsyo ang QCPD ng karagdagang detalye pagkatapos ng inquest proceeding ng suspek.

“Mamaya, anytime now, sasailalim siya sa inquest proceeding. Kaya hintayin na lang natin,” sinabi pa ng DILG Secretary.

Nauna rito, binaril at napatay si LTO Central Office registration chief Mercedita Gutierrez nitong Biyernes ng gabi sa Barangay Pinyahan, Quezon City makaraang barilin ng suspek na sakay ng isang motorsiklo malapit sa kanto ng K-H Street malapit sa Kamias Road.

“Ang biktima na nagtamo ng mga sugat ay agad na dinala sa East Avenue Medical Center para magamot ngunit idineklara itong patay ng attending physician,” sabi ng QCPD sa inisyal na ulat nito. Santi Celario