Nakahanda nang ilantad o pangalanan ni Guo Hua Ping, alyas Alice Guo ang matataas na opisyal ng pamahalaan na pawang “most guilty” bilang protector ng illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) sa Pilipinas.
Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality, pinangunahan ni Senador Risa Hontiveros ang isang executive session kasama si Guo, sinibak na alkalde ng Bamban, TArlac upang pangalanan ang protector ng POGO.
Wala pang binanggit na pangalan ang komite sa pamumuno ni Hontiveros, pero ikinatuwa naman ni Senador JV Ejercito ang napag-alamanan sa executive session sa pagsasabing “may napala naman.”
Ginanap ang executive session sa tanggapan ni Majority Leader Francis Tolentino sa ikalawang palapag ng Senado, malapit sa session hall alinsunod sa kahilingan din ni Ejercito.
Ayon kay Ejercito, idinidiin ni Guo na hindi siya ang mastermind ng illegal operation ng POGO sa Bamban, Tarlac kundi isa lamang siyang biktima ng sinasabi nitong “most guilty.”
“Hindi po ako guilty po…’Di naman po sa ginamit. If ever po, kung meron po akong naitulong, ano po akong tao, helpful akong tao. Kung meron man po, yun lang po. Sa mga activities po na ginawa or sa mga allegations po, wala po akong kinalaman,” ayon kay Guo.
“I think, sa tagal po ng investigation, alam na rin po ng committee po, especially chaired by our madam chairman po who’s really at the back of everything po,” dagdag niya.
Sumang-ayon si Guo sa tanong na kung ilalantad na niya ang pangalan ng sinasabi nitong “most guilty” sa opisyal ng pamahalaan na sangkot sa illegal operation ng POGO.
“Yes po, your honor,” ani Guo.
Naunang tinanggihan ni Hontiveros ang kahilingan ni Guo na magkaroon ng executive session, ngunit ikinatuwa ng senador ang tugon nito na papangalanan ang lahat ng protector ng illegal POGO hub.
“I think it’s the first time na narinig ko na sinabi ni Guo Hua Ping na meron na tayong natutumbok sa buong kwento, kung sino ang pinakamatataas sa likod nitong mga POGOs sa Pilipinas at ‘yung isa pa naming gustong malaman sino sa mga government personnel or officials ang tumulong sa pagtakas kahit for monetary considerations,” ayon kay Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros na puwedeng simulant ang executive session kasama ang kanyang abogad na dadalo sa isang virtual meeting at ipagpapatuloy kapag dumalo na ang counsel nito.
“We can just start for a few minutes and then we can continue next week, but please don’t when to hold the executive session,” ani Hontiveros.
“That is what we’re offering to start now kahit a few minutes. You can have your two legal counsels through zoom. Then magpatuloy tayo kapag nandito sila physically,” dagdag ng senadora.
Pagkatapos ng maikling executive session, sinabi ni Ejercito na “may napala naman.”
Tumagal ang executive session ng ilang minute dahil nakatakda nang magsimula ang sesyon ng Senado. Ipagpapatuloy ang executive session sa susunod na linggo at nangako si Guo na “magbabalik-tanaw sa lahat.”
Patong-patong na kaso ang kinahaharap ni Guo kabilang ang qualified human trafficking, money laundering at iba pang krimen na may kaugnayan sa illegal na operasyon ng POGO. Ernie Reyes