Home NATIONWIDE La Niña aarangkada sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre – PAGASA

La Niña aarangkada sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre – PAGASA

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Martes na malaki ang posibilidad na ang La Niña phenomenon sa bansa ay maaaring magsimula sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre.

”Ang La Niña ay pinapaboran na lumabas sa Setyembre, Oktubre, at Nobyembre 2024. Anytime within the period with a 71% chance and ine-expect natin na magtutuloy ito hanggang sa first quarter of 2025 or during January, February, and March,” sabi ni PAGASA weather specialist Joanne Mae Adelino sa isang media conference nitong Martes.

Nauna rito noong Hulyo, itinaas ng PAGASA ang La Niña alert na may 70% na posibilidad na maaari itong magsimula sa pagitan ng Agosto hanggang Oktubre.

Ayon sa state weather bureau, ang La Niña phenomenon ay kapag mayroong paglamig ng temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang equatorial Pacific Ocean.

Ito ay nangyayari tuwing dalawa hanggang tatlong taon at ang tagal nito ay karaniwang tumatagal ng isa hanggang tatlong taon.

Kaugnay nito sinabi ni Ana Liza Solis, PAGASA Assistant Weather Services Chief na ang sunud-sunod na tropical cyclones ay mga maagang senyales ng epekto ng La Niña.

Noong Setyembre, pumasok ang Severe Tropical Storm Enteng sa Philippine Area of ​​Responsibility (PAR) na sinundan ng Tropical Storm Ferdie, Tropical Depression Gener, Tropical Storm Helen, at Tropical Depression Igme.

Kaugnay nito muli namang iginiit ni Solis na inaasahang papasok sa bansa ang mahinang La Niña.

Gayunpaman, sinabi niya na huwag maliitin ito.

“Kailangan emphasize, historically, base sa mga datos ng PAGASA, kapag weak La Niña mas maraming nararanasan na Super Typhoon na bagyo kapag September, October, November, December. So may dalawang similar condition na weak La Niña tayo pero nandoon yung tatlo hanggang apat na typhoon at super typhoon category,” ayon kay Solis.

Sinabi ni Solis na ang dalawang posibleng epekto ng La Niña ay ang paglakas ng hangin at mas maraming pag-ulan. (Santi Celario)