Bumagal ang takbo ng mga sasakyan sa kahabaan Ng Roxas Blvd sa Maynila nitong umaga ng Lunes, Agosto 17, 2026 dahil sa malakas na ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa lugar.Larawan ni ERIC OCAPAN
MANILA, Philippines – Patuloy na makaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa Luzon at Visayas hanggang Sabado, Setyembre 5, na posibleng magdulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar, ayon sa PAGASA.
Sa 4 p.m. weather forecast nitong Huwebes, sinabi ng PAGASA na makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Ilocos Region, Abra, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro dahil sa habagat. Posible ang flash flood at landslide dulot ng katamtaman hanggang malakas na ulan.
Samantala, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Cagayan Valley, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region at Central Luzon, gayundin sa Cavite, Batangas, Rizal, Laguna at Oriental Mindoro.
Partly cloudy hanggang cloudy skies naman na may isolated rainshowers o thunderstorms ang posibleng maranasan sa Visayas at nalalabing bahagi ng Luzon.
Bagama’t nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang Tropical Storm Pilandok nitong Huwebes, sinabi ng PAGASA na patuloy na nakaaapekto ang habagat sa malaking bahagi ng bansa.
Nagbabala rin ang weather bureau sa posibleng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas hanggang Sabado, partikular sa mga baybayin at matataas na lugar.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa flood- at landslide-prone areas, na patuloy na bantayan ang mga susunod na weather advisory at heavy rainfall warning ng PAGASA. RNT