MANILA, Philippines – Patuloy na magdadala ang Southwest Monsoon o Habagat ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas ngayong Linggo, Agosto 30, ayon sa PAGASA.
Inaasahan ang malalakas hanggang napakalalakas na pag-ulan sa Ilocos Sur, Pangasinan, La Union, Benguet, Bataan, Zambales, Tarlac at Pampanga. Nagbabala ang PAGASA sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na ito.
Makakaranas naman ng paminsan-minsang ulan ang Metro Manila, Ilocos Norte, natitirang bahagi ng Cordillera, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas at Occidental Mindoro. Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkulog at pagkidlat ang inaasahan sa natitirang bahagi ng Luzon, Western Visayas at Negros Island Region. Ang natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao ay maaaring makaranas ng panaka-nakang pag-ulan at thunderstorms. Nagbabala rin ang PAGASA na ang malalakas na thunderstorms sa Visayas at Mindanao ay maaaring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.
May low-pressure area na namataan 1,340 kilometro silangan ng dulong hilagang Luzon bandang alas-3 ng madaling araw. Samantala, nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility ang Tropical Depression Saudel, na dating tinawag na “Obet.”
Huling namataan ang Saudel 1,105 kilometro kanluran-hilagang-kanluran ng dulong hilagang Luzon, na may lakas ng hangin na 45 kph at pagbugso na hanggang 75 kph. Kumikilos ito patungong timog-kanluran sa bilis na 25 kph.
Katamtaman hanggang malalakas na hangin mula timog-kanluran ang mararanasan sa Luzon, na may katamtaman hanggang maalong karagatan at taas ng alon na 1.5 hanggang 3.4 metro. Sa natitirang bahagi ng bansa, mahina hanggang katamtamang hangin at alon na 0.6 hanggang 2.1 metro ang inaasahan. RNT/MDS