ZAMBALES, Philippines – Dalawang manggagawa ang namatay habang dalawa naman ang nasugatan matapos ang pagguho ng lupa sa Tipo High-Tech Park sa Subic Bay Freeport noong Sabado, kasabay ng tuloy-tuloy na malakas na ulan.
Kinilala ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Law Enforcement Department ang mga nasawi na sina Peng Jiahan, 26, isang Chinese national at sales and marketing supervisor ng Fubong Environmental Technology, at Ernesto Ramos, isang Pilipino at dump truck driver.
Natagpuang walang malay ang apat na manggagawa at dinala sa James L. Gordon Memorial Hospital sa Olongapo City, kung saan kalaunan ay idineklarang patay ang dalawa.
Nauna nang kinumpirma ng SBMA ang insidente ng pagguho ng lupa sa Tipo High-Tech Park, na iniugnay nito sa tuloy-tuloy na malakas na ulan.
Sinabi ng SBMA na nagsasagawa ito ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at mga dahilan ng insidente. RNT/MDS







