MANILA, Philippines – Maaaring magpatuloy ang pag-ulan sa Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas hanggang sa susunod na linggo dahil sa habagat, ayon sa PAGASA.
Ayon kay PAGASA weather specialist Leanne Loreto, may posibleng mabuo na low-pressure area (LPA) sa hilagang-silangang bahagi ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na maaaring pumasok sa bansa mula Linggo (Agosto 16) hanggang unang bahagi ng susunod na linggo.
Kapag nabuo ito, maaari nitong palakasin ang habagat at magdulot ng mas maraming ulan sa mga lugar na apektado na ng monsoon.
Sa kasalukuyan, nakararanas ng katamtaman hanggang malakas na ulan ang Zambales at Bataan. Posible ring magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley, CALABARZON, Mimaropa, iba pang bahagi ng Central Luzon, at Antique.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko, lalo na ang mga nasa flood- at landslide-prone areas, na makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan para sa posibleng paglikas.
Samantala, ang LPA 08e na nasa 1,970 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon ay may katamtamang tsansang maging tropical depression sa loob ng 24 oras ngunit papalayo sa bansa at hindi inaasahang makaaapekto sa lagay ng panahon sa Pilipinas. RNT/MDS