Home NATIONWIDE Habambuhay na pagkakulong ipinataw ng SC vs trafficker ng menor de edad

Habambuhay na pagkakulong ipinataw ng SC vs trafficker ng menor de edad

MANILA, Philippines – Kinatigan ng Korte Suprema ang hatol na habambuhay na pagkakakulong sa isang lalaki dahil sa trafficking ng tatlong menor de edad na pinagtrabaho bilang kasambahay sa malalayong lugar nang walang sweldo.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Mario V. Lopez, pinagtibay ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema ang guilty na hatol kay Joemarie Ubanon (Ubanon) para sa qualified human trafficking sa ilalim ng Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.

Pinagmumulta rin si Ubanon ng P2 milyon at inutusang bayaran ang bawat biktimang menor de edad ng P600,000 bilang danyos.

Noong 2014, inalok ni Ubanon ang dalawang 14-anyos at isang 15-anyos sa Bukidnon ng trabaho bilang tagapagbalat ng sibuyas at pinangakuang sasahod ang mga ito ng PHP 2,500 kada buwan.

Sa kabila ng tugon ng mga menor de edad na kailangan muna nilang magpaalam sa kanilang mga magulang, iginiit ni Ubanon na naghihintay na ang kanilang amo at sinabihan silang sumakay ng bus.

Sinubukan ng mga biktima na bumaba mula sa bus pero pinigilan sila ng anak ni Amirah Macadatar (Macadatar), na napag-alamang amo ng asawa ni Ubanon.

Ipinadala ang mga biktima sa magkakaibang bahay sa Lanao del Sur at Iligan City para magtrabaho bilang kasambahay ngunit hindi sila nakatanggap ng sweldo.

Ayon sa Korte Suprema, nangyayari ang trafficking kapag ang mga indibidwal ay ni-recruit o ibiniyahe – may pahintulot man o wala ng mga biktima – sa pamamagitan ng panlilinlang, pamimilit, o pang-aabuso sa kapangyarihan para sa mapagsamantalang layunin tulad ng prostitusyon o sapilitang paggawa.

Kapag ang mga biktima ay menor de edad, ang kaso ay nagiging qualified trafficking, na may parusang habambuhay na pagkakakulong.

Sa kasong ito, sinamantala ni Ubanon ang pagiging menor de edad ng mga biktima at pagkagipit nila sa pera, inenganyo silang tanggapin ang trabaho, at ibinyahe sila mismo sa terminal para makarating sa kanilang pagdadalhan kung saan sila ay pinakinabangan at hindi binayaran. Teresa Tavares