Home OPINION HALALAN NA

HALALAN NA

IDINEKLARA na ng Commission on Elections ang pagsisimula ng halalang Mayo 12, 2025.

Gaya ng dati, nagsimula nang magsagawa ng Comelec checkpoint kahit saan sa Pilipinas.

Pero dapat malinaw at maliwanag ang lahat ng senyales o palatandaan ng nasabing checkpoint.

Kung walang signages, malabo at madilim ang mga checkpoint, kumaripas ka na ng takbo, dahil malamang na hindi checkpoint yan ng Comelec na mga sundalo, pulis at iba pang lehitimong taong pamahalaan ang laman.

Kasabay nito ang gun ban at paiiralin ito maging sa mga sibilyang may lisensya at permiso na magdala ng baril sa labas ng kanilang mga tahanan.

Bibihira ang mga sibilyan na mabibigyan ng permit to carry firearms outside residence.

Nagkaroon na rin ng paglilipat-pwesto ng mga pulis upang hindi magamit ang mga ito ng mga politiko para sa kanilang pamumulitika.

Pero siyempre, meron pa ring nakagagawa ng paraan na panatilihin ang mga peborit nilang pulis.

403 AREAS OF CONCERN, 38 RED AREAS

May mga lugar na babantayan ng Comelec dahil sa pagturing sa mga ito na areas of concern.

Sa kabuuan, may 403 lahat ‘yan at 38 dito ang red area o posibleng may mga kaguluhan at patayan.

Kasama sa mga 38 red area ang 32 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, tig-2 sa Cagayan Valley at Bico Region habang tig-isa ang Western at Eastern Visayas.

May kulay ang mga area of concern gaya ng orange na tumutukoy sa 177 lugar na may serious threats; dilaw na may 188 lugar na karaniwang pinangyayarihan ng mga krimeng pang-election at berde na 1,239 karaniwang walang ganap at mapayapa.

Doon sa 38 red area ang bubuhusan ng mga pulis at dapat na maging alerto araw man o gabi, Lunes hanggang Linggo.

Pero parang tumatakbong gulong ang red area.

Anomang oras, may idedeklarang red area na maaaring munisipyo, lungsod, lalawigan o region.

Kaya hindi dapat magrelaks, hindi lang ang mga awtoridad kundi mga mamamayan.

Kung bakit naman kasi naniniwala ang ilang politiko na tiyak nilang ikapapanalo ang pagkamatay ng kanilang mga kalaban kaysa sa boto ng mga tao.

Hmmm!

LAHAT KAMPANYA GUMAGANA

Bago pa man ang deklarasyon ng election period, gumagana na ang pangangampanya sa lahat ng larangan.

Naglalabasan na ang mga balita sa mga pahayagan, social media, radio, telebisyon at lumilitaw nang malinaw ang mga pagmumukha at ngalan ng mga kandidato.

Hindi lang ‘yan!

Pati mga poste ng kuryente, puno, bakod, sampayan at iba pa, may mga mukha at ngalan ng mga politiko na nakasabit, nakapako, nakadikit at iba pa sa mga ito.

Sila lahat pawang mga maka-Diyos, santo, makabayan at makamahihirap.

SANA MAGING MAPAYAPA

Sa halalan na walang patayan, kaguluhan at pandaraya kundi may kaayusan, kapayapaan at walang pandaraya tayo naninindigan.

Ang kalayaang pumili sa mga iluklok sa poder na manilbihan bilang lingkod-bayan ang dapat mamayani sa lahat.

Sana ang mapili ng taumbayan ang siyang tunay magrerenda sa ating pamahalaan.