Home NATIONWIDE Halos 1M bata sa BARMM, nabakunahan na ng measles vax – DOH

Halos 1M bata sa BARMM, nabakunahan na ng measles vax – DOH

MANILA, Philippines – Aabot na sa isang milyong mga bata edad 6 pababa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang nabakunahan na laban sa tigdas, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa pinakahuling datos ng DOH at Bangsamoro Minister of Health (MOH), umabot na sa 72% ng kabuuang 981,805 na populasyon ng mga bata ang nabakunahan na sa nasabing rehiyon, hanggang nitong Abril 17.

Ang target na mabakunahan ay 1,371,284.

Sa vaccinated areas, ang mga probinsyang may pinakamataas na vaccine coverage ay ang Maguindanao del Norte (233,310; 91.2%), Sulu (229,960; 89.5%), at Maguindanao del Sur (190,217; 81.8%).

“Dedication, commitment, and unity have been instrumental in achieving this remarkable vaccination coverage, which undoubtedly contributes to safeguarding the health and well-being of our people, especially the young ones. We will leave no one behind, dahil sa Bagong Pilipinas, Bawat Buhay Mahalaga,” pahayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa.

Noong Marso, sinabi ng Bangsamoro government na palalawakin nito ang vaccination efforts upang maiwasan ang tigdas outbreak sa rehiyon.

Ang measles ay nakakahawa dahil naipapasa ito sa pamamagitan ng hangin, partikular na ang pag-ubo o pagbahing.

Maaari itong mabilis na kumalat sa mga lugar na may low vaccination rates.

Kabilang sa mga sintomas ng tigdas ay mataas na lagnat, pag-ubo, runny nose at rashes sa katawan. RNT/JGC