Home NATIONWIDE Machine plant ng Miru sa SoKor, iinspeksyunin ng Comelec officials

Machine plant ng Miru sa SoKor, iinspeksyunin ng Comelec officials

MANILA, Philippines – Tumulak sa South Korea ang tatlong Commission on Elections commissioners para tingnan ang mga automated counting machine na ginagawa ng Miru Systems Company Limited para sa 2025 midterm elections.

Ayon kay Comelec Commissioner Rey Bulay, naatasan sila na tignan kung makakapagdeliber sila ng 110,000 machines.

Binigyang-diin ng komisyoner na naroon sila, hindi lamang para inspeksyunin ang planta bilang mga kinatawan ng Comelec kundi bilang mga kinatawan ng mga botanteng Pilipino gayundin ang pinaghirapang pera ng huli na ginagastos sa mga makina.

Sinamahan ng mga opisyal ng Miru, sa pangunguna ni CEO Jinbok-Chung, sina Bulay at Comelec Commissioner Aimee Ferolino at Commissioner-in-Charge Marlon Casquejo sa kanilang pag-inspeksyon sa manufacturing plant ng kumpanya sa South Korea.

Habang naroon, ipinakita sa mga opisyal na Pilipino ang proseso ng pagmamanupaktura.

Ipinakita rin sa kanila ang mga feature ng makina na hiniling ng Comelec, kabilang ang mabilis na paraan ng paglalagay ng mga balota sa makina, ang summary of votes na maaaring ipakita sa screen, upang maiwasan na masilip at ang hiwalay na lalagyan para sa mga resibo ng balota.

Tiniyak din ng Miru sa Comelec commissioners na lahat ng bahagi ng counting machines ay manufactured sa South Korea at mas maunlad sa teknolohiya kaysa sa mga makinang ginamit ng Pilipinas.

Kumpiyansa din ang kumpanya na gagana nang maayos ang kanilang mga makina dahil paulit-ulit na sinusubok ang mga ito.

“I know that Miru Systems is advanced in technology and with manufacturing,” sabi ni Commissioner Marlon Cascuejo.

“With the creation of the software that is listed in our wishlist, Miru can comply,” dagdag pa niya.

Patuloy ang pagbisita ng mga opisyal ng Comelec sa planta ng Miru hanggang sa makumpleto ang produksyon ng lahat ng mga counting machine. Jocelyn Tabangcura-Domenden