MANILA, Philippines – Umabot sa 2,955,014 ang bilang ng mga turistang bumisita sa Pilipinas mula Enero 1 hanggang Hunyo 16 ngayong taon, ayon sa Department of Tourism (DOT) nitong Huwebes.
Sa pahayag ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, mas mataas ito ng 6.16 porsyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“The United States has now become our Number One source market, with more than half a million visitors and still growing,” ani Angara-Mathay, na nagsabing umabot sa 591,569 ang mga turistang Amerikano mula simula ng taon.
Dagdag niya, mahalaga hindi lamang ang dami ng dumarating na turista kundi ang epekto nito sa ekonomiya.
“These numbers are indeed encouraging. But what matters even more to us is not just how many people are arriving—it is what that translates into: More jobs, more investments, and more opportunities reaching communities across the country,” aniya.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), noong 2025 ay umabot sa 8.1 porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) ang tourism at nakapagbigay ng trabaho sa 7.71 milyong Pilipino.
Sinabi rin ng kalihim na tututukan ng DOT ang pagpapalakas ng konektibidad at karanasan ng mga turista sa bansa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Department of Transportation, airlines, at iba pang tourism partners.
“We will work closely with the Department of Transportation, airlines, operators, and our industry partners to expand air connectivity across the country,” ani Angara-Mathay.
Layunin din ng DOT na mahikayat ang mga turista na mas mahaba ang pananatili at mas malaki ang ginagastos sa Pilipinas upang higit na makinabang ang mga komunidad.
Ayon sa datos, umabot sa 6.48 milyong turista ang bumisita sa bansa noong 2025. RNT/MND