MANILA, Philippines – Inaasahan ng Pilipinas na madaragdagan ang bilang ng mga turistang Ruso na bibisita sa bansa matapos humiling ang ilang Russian airlines na maglunsad ng direktang biyahe mula Russia patungo sa mga pangunahing destinasyon ng turismo sa Pilipinas.
Sa panayam ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kay Philippine Ambassador to Russia Igor Garlit Bailen sa Kazan, Russia nitong Martes, sinabi nitong interesado ang mga Russian tourists sa mga tourist destinations sa bansa.
“Alam niyo ang Boracay, alam niyo ang El Nido. So, interesado sila (Russian tourists),” pahayag ni Ambassador Igor Garlit Bailen sa panayam.
“And this year nga, naghihintay lang tayo ng development mula sa Civil Aeronautics Board of the Philippines dahil nag-apply ang S7 Siberian Airlines to be able to fly again from Siberia, from the cities of Irkutsk, Vladivostok, and Khabarovsk, to Manila and to Cebu,” dagdag pa ni Bailen.
Kinapanayam ni Castro si Bailen sa Kazan, kung saan kasama niya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit.
Ayon kay Bailen, nagsimula noong nakaraang taon ang Russian airline na IrAero ng chartered flights patungong Kalibo, Aklan mula sa mga lungsod ng Irkutsk at Khabarovsk sa silangang bahagi ng Siberia.
Sinabi rin ni Bailen na inaasahan nilang madaragdagan pa ang mga direktang biyahe mula sa iba pang airlines upang mas marami pang turistang Ruso ang makabisita sa Pilipinas at maranasan ang natatanging hospitality ng mga Pilipino, habang pinalalawak ng bansa ang mga pinagmumulan ng mga dayuhang turista bukod sa China, South Korea, at Estados Unidos.
Ayon pa kay Bailen, malaki ang interes ng mga Ruso na bumisita sa Pilipinas, at mahalagang mahikayat ang mas marami pa sa kanila dahil sa malaking ambag sa sektor ng turismo.
“So iyan ay dine-develop pa natin so that in terms of economic relationship, tourism is a very important part of the economic relationship and there is great potential, aside from the traditional exports, imports of oil, energy, and food,” ani Bailen.
Dagdag pa niya, kabilang ang Thailand, Indonesia, at Vietnam sa mga pangunahing destinasyon ng mga turistang Ruso sa mga bansang kasapi ng ASEAN. (KRIS JOSE)