Home METRO Halos P22M ismagel na yosi nakumpiska ng BOC

Halos P22M ismagel na yosi nakumpiska ng BOC

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa mahigit P22 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon ng Philippine Army sa Linamon, Lanao del Norte, noong Mayo 14, 2024.

Ayon sa BOC, nasa 564 kahon, o 28,202 reams ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P22,561,600 ang nasamsam makaraang maharang ito ng 2nd Mechanized Infantry Brigade, Armor Division, Philippine Army, sa isang checkpoint sa Brgy. Magoong, Linamon, Lanao del Norte.

Sa pagsusuri ng mga nakatalagang Customs examiners, ang mga nahuling sigarilyo ay napag-alamang gawa sa labas ng Pilipinas at walang kaukulang Import Commodity Clearance mula sa National Tobacco Administration (NTA), kaya lumalabag ito sa Section 117, Section 1113 (l)(1), at Seksyon 1401 ng Republic Act No. 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act of 2016, gayundin sa Republic Act No. 10643 na kilala rin bilang Act to Effectively Instill Health Consciousness Through Graphic Health Warnings on Tobacco Products.

Nabatid sa BOC, nasamsam din sa operasyon ang 230 kahon ng diaper at ang Isuzu Wing Van na ginamit upang itago at ihatid ang subject na mga ismagel na sigarilyo.

Agad namang naglabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) si District Collector Alexandra Y. Lumontad laban sa subject goods at sasakyan sa rekomendasyon ni Collector Nasrudin D. Guro ng Sub-Port of Iligan, alinsunod sa R.A. 10863 kaugnay ng R.A. 10643 at iba pang nauugnay na mga tuntunin at regulasyon sa Customs.  JAY Reyes