Home METRO Simbahang Katoliko binomba, 2 sugatan!

Simbahang Katoliko binomba, 2 sugatan!

COTABATO CITY- Sugatan ang dalawang babae kabilang ang isang senior citizen sa pagsabog ng granada sa loob ng Sto. Niño Chapel nang hagisan ng isa sa dalawang suspek noong Linggo ng umaga sa lungsod na ito.

Kinilala ni Col. Querubin Manalang, Jr., Cotabato City police director, ang sugatan na sina Marybel Atis, 40-anyos, at Rosita Tubilo, 65, kapwa ng Purok Bagong Silang Barangay Rosary Heights 3.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, bandang alas-10”:30 ng umaga ay nagsasagawa ng special prayer service sina Atis at Tubillo kasama ang nasa 10 pang Katoliko.

Dumating ang dalawang suspek na nakamotorsiklo at pumarada sa harap mismo ng nabanggit na simbahan.

Dito, hinagisan ng granada ang mga biktima sa loob ng simbahan saka humarurot patakas sa hindi malamang direksyon at sa lakas ng pagsabog ay nabulabog ang mga residente malapit sa simbahan at nagdulot ng takot sa mga ito.

Base sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng City Explosive Canine Unit (Cecu), posibleng M26 hand grenade ang ginamit na pampasabog ng mga suspek base sa narekober nilang safety lever sa pinangyarihan ng insidente.

Sa ngayon, sinusuri na ng pulisya ang kuha sa CCTV malapit sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog para sa mabilis na pagkakakilanlan sa mga suspek at pagdakip sa mga ito.

Matatandaang limang buwan ang nakalipas mula nang pasabugan ng improvised explosive device ng teroristang Dawlah Islamiya ang malaking grupo ng mga Katoliko sa gitna ng misa sa Dimaporo Gymnasium sa Mindanao State University campus, Marawi City na ikinamatay ng apat at ikinasugat ng higit sa 40 at karamihan sa mga ito ay mga estudyante. Mary Anne Sapico