PAGADIAN CITY, Philippines — Narekober ng mga awtoridad ang umano’y smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng halos P7 milyon sa isang joint law enforcement operation sa Barangay Muricay nitong Huwebes ng madaling araw.
Ayon kay Zamboanga del Sur Police Provincial Office spokesperson Capt. Derf Jay Maquinta, isinagawa ng Pagadian City Police, katuwang ang iba pang law enforcement agencies, ang operasyon bandang 1:30 a.m. matapos makatanggap ng ulat tungkol sa mga kontrabandong iniwan sa isang bakanteng lote sa Zone 7.
Narekober ng mga operatiba ang 40 master cases at 240 reams ng iba’t ibang tatak ng sigarilyo.
Nasaksihan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC), mga opisyal ng barangay, at mga barangay tanod ang isinagawang imbentaryo ng mga nakumpiskang sigarilyo.
Batay sa paunang pagtataya ng BoC, umaabot sa P6,908,000 ang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando.
Dinala ang mga sigarilyo sa Pagadian City Police Station para sa dokumentasyon, ligtas na pag-iingat, at tamang disposisyon.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad, katuwang ang BoC at iba pang ahensya ng pamahalaan, upang matukoy ang may-ari at pinagmulan ng umano’y smuggled na kargamento. RNT/MDS