MANILA, Philippines – Matinding kinondena ni Senador Sherwin Gatchalian ang walang humpay na panggigipit o harassment ng ilang online lending companies na hindi na makatuwiran na naglalagay sa balag ng alanganin ang sinisingil.
Dahil dito, muling iginiit ni Gatchalian ang pangangailangan ng isang panukalang batas na magbabawal sa hindi makatarungang paraan ng paniningil ng utang ng online lending companies.
“Ang mga nagpapautang na ito, ginawa nga nilang mas madali para makautang ang mga tao. Pero isang araw lang na hindi makabayad, puro pananakot na ang ginagawa nila. Pinapahiya pa sa komunidad at minsan may pinapadalhan pa ng korona ng patay o bala,” ayon kay Gatchalian, batay sa maraming reklamo na natanggap ng kanyang opisina.
Nauna nang inihain ng senador ang Senate Bill No. 818 o ang Fair Debt Collection Practices Act, na nagbabawal sa sinumang maniningil ng utang na gumawa ng anumang kilos ng panliligalig o pang-aabuso sa isang may utang. Partikular na ipinagbabawal sa panukalang batas ang paggamit o pagbabanta ng karahasan, paggamit ng malaswa o bastos na salita, at pagbubunyag ng pangalan ng may utang.
“Karapatan din ng mga nagpapautang na maningil pero dapat nasa wasto at tamang pamamaraan. Dapat makatarungan at legal yung pangongolekta at hindi pananakot at pagbabanta sa buhay,” diin pa ni Gatchalian.
Hinimok din ng senador ang Securities and Exchange Commission (SEC) na magpatupad ng mas mahigpit na mga rekisito sa pagrerehistro ng mga online lending companies, lalo na’t ang minimum na kapital para sa mga lending companies ay Php 1 milyon lamang, kahit gaano pa karami ang kanilang mga online lending apps (OLAs).
Sa kasalukuyan, mayroong 117 na lending at financing corporations at 181 OLAs na rehistrado sa SEC. Ernie Reyes