MANILA, Philippines- Mailap si dating Presidential spokesperson Harry Roque dahil sa palipat-lipat ito ng pinagtataguang lugar kaya hindi ito madakip ng PNP Criminal Investigation and Detection Group.
Iniulat ni PNP-CIDG Director Police Major General Leo Francisco na nakita si Roque sa isang exclusive subdivision noong Biyernes subalit hindi nila ito natyempuhan.
“Binabantayan natin ito at sa kasamaang-palad noong Friday hindi nila ito naabutan. So nawawala na lang. So may mga impormasyon tayo na andun, pag dumarating yung ating mga tao dahil ito ay hindi kaagad natin napapasok. Ito ay exclusive na mga places. Talagang medyo nale-late yung ating mga personnel. So yun yung hindrance natin na or gap na na-experience sa paghahanap kay Atty. Harry. Roque,” paglalahad ni Francisco.
“Yes may mga exclusive subdivision kasi tayo dito na hindi basta basta nakakapasok ang private or police personnel. So kailangan pa ng reason bakit sila pupunta sa isang lugar. Madelay ka kasi ng 1 minuto malaking bagay na yun. Hindi siya nag-stay sa isang place. Sa ngayon minomonitor natin siya,” paliwanag ng opisyal.
“Nagrequest na kami sa BID ng travel record kung niya kung siya ay nakalabas or hindi. Yun lang hinihintay natin,” aniya pa. RNT/SA