MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ni Sen. Risa Hontiveros nitong Martes kung bakit nakikipag-ugnayan umano ang “high officials of government” sa indibidwal na sangkot umano sa illegal POGOs at iba pang mga ilegal na aktibidad.
Ito ay matapos ipakita ni Hontiveros ang larawan ni ex-PNP chief Benjamin Acorda, Jr. kasama ang Mindanao-based businessman na si Tony Yang, na iniuugnay sa POGOs.
Sa isa pang larawan, makikita si Acorda kasama sina Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay at Wesley Guo, kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
“In relation to the photos I talked to you about, I really wonder what our high officials in government are doing fraternizing with the wanted fugitive,” ani Hontiveros, idinagdag na tinukoy na si Yang bilang “pugante” ng China noong panahong iyon.
Sinabi ni Yang na nakilala niya si Acorda at ilang PNP officials nang ma-assign ang mga ito sa Cagayan de Oro. Si Acorda ang namuno sa PNP Northern Mindanao regional office bago maging hepe ng PNP.
Samantala, sinabi ni Calugay na nakilala niya si Acorda nang italaga itong hepe ng Sual police.
“Wala naman po kaming relasyon… Siya po ay dating chief of police ng Sual,” anang alkalde.
Matapos ang pagdinig, naglabas ng pahayag ni Acorda subalit hindi direktang tumugon sa mga larawan kasama si Yang at iba pang POGO personalities.
“Masasabi ko lang I love my country and the PNP organization. Kung anong dapat gawin ng isang Pilipino at bilang Police Officer ay ginawa ko,” ani Acorda.
Nanungkulan si Acorda bilang PNP chief mula Abril 2023 hanggang Marso 2024.
Sinabi ng Senate panel na iimbitahan nito si Acorda sa susunod na pagdinig. RNT/SA