MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang hatol ng regional trial court na nagpataw ng pagkakakulong sa dalawang aktibista dahil sa terrorism financing.
Ayon kay Undersecretary Ernesto Torres Jr., executive director ng NTF-ELCAC, patunay ang hatol sa mga aktibistang sina Frenchie Mae Cumpio at Marielle Domequil ng Regional Trial Court Branch 45 sa Tacloban City na gumagana ang hustisya nang malaya at batay sa ebidensya.
Ang korte, na pinamumunuan ni Judge Georgina Perez, ay nagpasiya na guilty ang dalawa sa ilalim ng Republic Act 10168, ngunit pinalaya sila sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Ani Torres, sinusuportahan ang hatol ng mga sworn testimonies, financial records, at material evidence na nagpapakita ng sadyang paghawak ng pondo para sa isang teroristang organisasyon.
Idinagdag niya na pinalakas ng acquittal sa firearms case ang kredibilidad ng hudikatura.
“The same court that acquitted them of one charge convicted them of another after a full trial. This demolishes claims of political persecution and shows judicial independence,” ani Torres.
Kabilang sina Cumpio at Domequil sa “Tacloban 5,” na inaresto noong Pebrero 7, 2020 sa raid sa umano’y mga communist safe houses, kung saan nakumpiska ang mga awtoridad ng mga baril, granada, bandila ng komunista, at higit P557,000 cash.
Ang kanilang mga kasabwat na sina Mira Legion ng Bayan at Marissa Cabaljao ng People Surge ay nakalaya sa piyansa, habang si Philip Abinguna ng Karapatan ay nananatiling nakakulong at nagpapatuloy ang kanilang mga kaso. Mary Ann Sapico